Ang Barangay Looc ay tinawag na LOOK ng mga marigingisda dahil ito ay pinakaloob ng mga baybayin ng lawa ng Laguna. Ang LOOK ay dating tinatawag na Kay Tala. Ayon sa kauna unahang mga nanahan dito, tuwing sasapit ang Bagong Taon, may mga lumilitaw na maniningning na tala sa ilog o ilat. Ang ilog na ito ay tinawag na kay tala na matatagpuan malapit boundary ng Barangay Uwisan na noon bahagi ng LOOK.
Ayon sa salaysay pitong pamilyang magsasaka ng Calamba, ang kauna-unahang nagtatag ng pook na ito. Sila ay tumakas sa kagubatan ng mga malalaking punong kahoy dahil sa takot at pang-uusig ng mga kastila, tinulungan sila ng ama ni Gat Jose Rizal na si Francisco Mercado at kapatid na si Paciano. Itinayo nila ang kanilang mga bahay mula sa mga materyales na matatagpuan sa paligid ng lugar kawayan at damo ng cogon ang gamit sa mga bubong at mula noon naging isa itong progresibong komunidad sa paglipas ng panahon.
May nagsasabi namang ang pitong pamilya ay mula sa mga bayan ng Cabuyao, Sta Rosa at maging sa Calamba, Ang mga ito ay mga magsasakang inabot ng malakas na bagyo sa lawa na hindi na nakauwi kung kayat sila ay tumigil sa tinawag na nilang LOOK. Nagpatuloy silang nagsama sama at nagkaisa sa hanapbuhay nilang pangigisda at pagtatanim ng gulay.
Noong kapanahunan ng mga Kastila, ang Barangay Looc ay isang magubat na lugar, malalaking punong kahoy at matataas na damo ang pinakamalaking bahagi ng lupain ng Looc. Dahil dito ito ay naging pook ng mga tulisang Pilipinong lumaban sa mga Kastila, subalit sinunog nga mga kastila ang gubat at ilang mga kabahayan upang walang pagtaguan ang mga kalaban ng mga Kastila.
Ang panununog na ito ay tinawag sa kasaysayan ng Looc na La Samiento. Muling naging kublihan ang barangay Looc noong panahon ng mga Amerikano ng mga sundalong Banahaw sa ilalim ni Heneral Pacoa. Maraming kalalakihan sa Looc ang sumanib sa Kapisanang Saksdalista. Ang grupong ito ay laban sa mga Amerikano dahil sa nais nilang mga Hapones ang sumakop sa Pilipinas.
Sa panahong ito rin naitatag ang unang paaralan nang barangay noong 1933 sa tường ng Tinente del Bario Rufino Parayan noong 1933 na nagsimula sa 2 silid-aralan.. Noong 1971 naman, ang Looc Barangay High School ay itinatag sa tulong ng Tinente del Bario Ambrosio Geca at G. Baroro. Ang barangay Looc ay tinagurian namang "Little Tokyo" noong panahon ng Hapon dahil sa maraming kalalakihang nanahan dito ang sumapi sa GANAP at sumapi rin sa pambansang samahang Kilusang maka-Pilipino o MAKAPILI.
Ang Barangay Looc ay isa sa mga Barangay ng Calamba na nasa baybayin ng Lawa ng Laguna. Ito ay isang tangway na napapaligiran ng ilang barangay at ng nasabing lawa. Sa dakong timog nito ay Barangay Sampiruhan: sa Timog Kanluran ay Banlic: at sa Kanluran ay Banadero. Ang Barangay Looc ay di hihigit sa dalawang kilometro (2 Km) ang layo sa kabayanan na may tinatayang kabuuang laki na 179.1 ektarya ang nasasakupan sa pinakabagong datos mula sa Pamahalaang Lungsod ng Calamba.
Ang Barangay Looc ay ganap na naging isang Barangay noong ika-22 ng Hunyo 1939 ayon sa bisa ng RA 3390. Ang Barangay Looc ay tinaguriang Vegetable Bowl of Calamba o ang Gulayang Mangkok ng Calamba. Ito ay dahil sa marami at walang tigil na pag ani ng mga gulay dito tulad ng talong, okra, sitaw, patola, ampalaya, upo at iba pang gulay. Kilala rin ang Looc bilang tanging lugar sa Calamba na umaani ng pakwan at singkamas.
Ang iba pang ikinabubuhay ng mga tagarito ay pangingisda at pagtitinda ng mga inaning gulay, samantalang ang iba naman ay nagaalaga ng itik at nagbabalot.
Ayon naman sa impormasyon at sa pagsasalarawan na nakuha sa dating Kapitan ng Barangay Looc na si Kapitan Eduardo Tanyag (lolo ni Kap. Rustan Tanyag Miranda) sa dating anyo ng barangay, ang mga dating kalsada ay lubluban ng mga kalabaw at dahil dito, sila ay napipilitang dumaan sa gilid ng mga bahay kapag tag ulan sa nayon, ang tanging sasakyan lamang na nakakadaan sa kalsada ay mga kariton. Maliit ang mga daan kaya't sa pamamagitan ng mga Tinente o Punong Barangay ay nanghihingi sila ng mga parte sa magkabilang lote para lumuwag ang kalsada. Ayon sa kanya ang kanyang inabot na bilang ng mga bahay ay tinatayang 30 hangang 50 lamang kabilang dito ang ngayo'y Barangay Uwisan at Barangay Sampiruhan na nang mga panahong iyon ay mga Sitio pa lamang ng Barangay Looc at napahiwalay lamang noong taong 1969 nang magsimulang dumami ang populasyon.
Cultural Heritage:
Ang Barangay Looc ay higit na kilala sa pagdiriwang ng KARAKOL, ang pagsasayaw kasabay ng prusisyon. Ito ay isang pamamanata o pasasalamat sa kanilang kinikilalang patrona Santa Maria Magdalena. Ang mga kababaihang kalahok dito ay nagsusuot ng temo o baro at saya. Sa paglipas ng panahon dumarami ng dumarami ang lumakahok dito mula mamamayan ng barangay at karatig lugar.
Kabilang din ang "pananapatan" sa mga tradisyong kilala ang Barangay LOOC. Ito ay ginaganap tuwing sasapit paghihiwalay ng taon (Disyembre 31) at pagsalubong sa BAGONG TAON. Ang mga kabataan ay tumatapat sa mga bahay bahay na kung saan ay kinakalampag nila ang mga lata, batya, timba o ano mang bagay na lilikha ng ingay at sabay sabay na sisigaw ng Mabuhay ang may bahay!> (bibigkasin ang pangalan ng Pamilya ng may bahay) Susundan ito ng mga kalampagan ng mga lata at mga pampaingay at bilang pasasalamat ng may bahay sa mga nananapatan siya ay magbibigay ng pera.